Tukso sa ating buhay
- Fr. JC Rapadas, SVD
- Feb 28, 2020
- 7 min read
Updated: Feb 29, 2020
Ano ang ating mga kahinaan? Ano ang mga bagay na tumutukso sa atin? Ano ang mga bagay na komokontrol at nagmamanipula sa atin? Sa ating ebanghelyo narinig natin ang pagtukso ng Diablo, ang hari ng kasinungalingan at panlilinlang kay Hesus.
1. PAGKA-UHAW SA KAPANGYARIHAN “Ibibigay ko sa’yo ang lahat ng kaharian na ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.”
Nanunuod ako ng Documentary movies sa Netflix na pinamagtang Greatest Events of World War II. Ito ay patungkol sa ikalawang digmaang pandaigdig. Mula sa pagsakop ni Hitler sa silangang bahagi ng Europa, sa France, at ng mga Hapon sa Pacifico hanggang sa pagbomba sa Nagasaki at Hirushima.
Walang ibang katotohanan na namutawi sa pagsasaliksik kung bakit nagawa ito ng mga makakapangyarihang bansa at mga makapangyarihang lider nila kundi ang kagustohang maghari, magpayaman at kayabangan. Dominance. Treasures. Pride. At dahil sa mga makamundong pagnanais na mga ito, namatay ang itnatayang pitumpung milyong katao sa buong mundo.
Ang mga pagnanasa paghahari, pagpapayaman ng salapi, at kayabangan ay patuloy na bumibighani sa atin hanggang ngayon sa pamamagitan ng iba’t-ibang kaanyohan.
Nandyan ang kagutohang pagharian at diktahan ang ibang tao, diktahan ang mga desisyon ng ating mga anak kahit pa’t nasa wastong gulang na sila, nandyan ang pagiging diktador sa loob ng ating mga tahanan at opisina, nandyan ang kagustohang magkamkam ng pag-aari ng ibang tao, nandyan ang pagtataas ng sarili upang maiba at maitaas mula sa kapwa, nandyan ang paghamak at pag-apak sa kapwa.

2. PAGKA-UHAW SA KANINGNINGAN
“Kung ikaw ang Anak ng Dios, magpatihulog ka sapagkat nasusulat na aalalayan ka ng kanyang mga anghel.”
Sa mata ng Diyos, hindi natin kailangang magpakitang-gilas upang tanggapin. Hindi natin kailangan magpasikat upang mahalin. Sapat na na maging totoo lang tayo sa ating mga sarili.
Sa panahon ngayon, mahirap makilala ang anyo ng pagpapakitang-gilas sapagkat ang ating pagka-aliw ay nakabatay dito. May sumayaw sa TV, naaliw tayo. May nagmura sa Dios, naaliw tayo. Minsan ang hanap natin sa sermon ay kaaliwan, hindi ang pagpapayaman ng kaluluwa.
Hanggang kailan ba tayo mananatili sa level pagkakaaliw lamang? Hindi ba dapat binibigyang pansin din natin ang mga bagay na nagpapayaman sa atin? Ang pagkaaliw ay nagiging mali kung wala itong kalakip na pagpapayaman, at pagpapalakas ng mga pakahulugan sa ating buhay o mga values.
Hindi maling pasiyahin ang sarili pero kung mananatili lamang ito sa pagpapasaya ng sarili, ito ay nagiging anyo ng pagkamakasarili. Kung ito nama’y may kalakip na pagpapayaman, nagiging mabuting tao tayo. At kapag nagiging mabuting mga tao tayo, nakakadagdag ito sa ikabubuti ng iba.

3. PAGKA-UHAW SA PAGPAPAKALAYAW, PAGPAPAKALABIS, PAGPAPAKASAWA, PAGPAPAKASASA, LUHO, KARANGYAAN. “Kung ikaw ang anak ng Dios, gawin mong tinapay ang mga batong ito.”
Hindi masamang magkaroon ng luho. Hindi masamang maging masaya. Hindi masama ang maging maganda o gwapo. Ang masama ay ang maamgkin at pagharian tayo ng ating mga luho at siya ang mahing basehan ng ating kasiyahan at pagkatao. We must own material thing. Material things must not own us.
Sa panahon ngayon, nagpapakita ito sa pamamagitan ng mga bagay na naghihiwalay sa ating sa ating ugnayan sa kapwa, lalong lalo na sa Dios at pamilya. Humihina ang ugnayan ng pamilya dahil hindi na tayo sabay-sabay kumain, dahil mas binibigyan natin ng pansin ang cellphone, tv, ipad, at iba pa kaysa makipag-ugnayan. Nahahati ang ating atensyon sa mga bagay na nagpapawili sa atin at hindi sa mga bagay na nagpapayaman sa atin.
Ang mga ito ay ang mga patuloy na pagsusubok sa atin upang ilayo tayo sa Dios. Ang tawag ng Kapangyarihan, Kaning-ningan, at Layaw ay mga anyo na nangkukubili o nagtatago sa pinakamabigat na kasalanan at yan ang pagiging mapagmataas sa mata Diyos at ng kapwa. Pride. Pagiging mayabang sa mata ng Dios. Ang mga ito ay inililihis tayo sa tunay na mithiin ng ating buhay sa mundo, at yan ang makilala, pasilbihan, makasama, makapiling at mabuhay kasama ang Dios.
Ang tukso ay hindi pa kasalanan. Nagiging kasalanan lamang ito kung tayo ay bibigay sa tukso. Napakahalagang makita natin mga kapatid na ang tukso ay isang anyo ng kasinungalingan at panlilinlang. Akala natin masarap, akala natin mabuti, akala natin tama pero kung bumigay na tayo, dun natin malalaman na walang tama sa tukso kundi purong panlilinlang lamang.

Sa ating unhang pagbasa narinig natin na naging likas ang tukso sa atin dahil sa kasalanan ng ating mga unang magulang. Ang tawag ng laman at ang patuloy na kagustohang maging dakila sa mata ng mundo ang kumakain sa atin. Sa ikalawang pagbasa naman narinig natin ang napakagandang paguunawa ng paghalili ni Kristo sa kasalanan ni Adan. Si Kristo ang bagong Adan, ang bagong anyo ng bagong nilalang ng Dios sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay.
Ang panahon ng kwaresma ay panahon upang pagnilayan muli natin ang ating mga buhay at paglalakbay. Pagnilayan nating kung anong klaseng mga tao, mga magulang, mga kapatid, mga anak tayo. Pagnilayan natin kung anong klase ng kapangyarihan, kaningningan at luho ang nakamit natin at kung papaano pinagtibay ng mga ito ang ating pagiging makasalanan.
Nawa, makita din natin sa Krus ni Hesus ang kasagutan at ang kagustohang magbago.
READINGS
UNANG PAGBASA Genesis 2, 7-9; 3, 1-7
Naglagay ang Panginoon ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinasibol niya roon ang lahat ng uri ng kahoy na nakalulugod sa paningin at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan, naroon ang punong nagbibigay buhay, at ang punong nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama.
Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoon. Minsa’y tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kang kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”
Tumugon ang babae, “Hindi naman! Ipinakakain sa amin ang anumang bunga sa halamanan, huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Pag kami raw ay kumain ng bunga nito o humipo man lamang sa punong iyon, mamamatay kami.”
“Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay,” wika ng ahas. “Gayun ang sabi ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon, magkakaroon kayo ng pagkaunawa. Kayo’y magiging parang Diyos; malalaman ninyo ang mabuti at masama.”
Napakaganda sa paningin ng babaw ang panunongkahoy at sa palagay niya’y masarap ang bunga nito. Nabuo sa isipan niya na mabuti ang maging marunong, kaya’t pumitas siya ng bunga at kumain. Kumuha rin siya para sa kanyang asawa, kumain din ito. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila’y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtagni-tagni at ginawang panakip sa katawan.
SALMONG TUGUNAN Salmo 50, 3-4. 5-6a. 12-13. 14 at 17
Tugon: Poon, iyong kaawaan kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos, sang-ayon sa iyong kagandahang-loob mga kasalanan ko’y iyong pawiin, ayon din sa iyong pag-ibig sa akin! Linisin mo sana ang aking karumhan at ipatawad mo yaring kasalanan!
Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
Ang galak na dulot ng ‘yang pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
IKALAWANG PAGBASA Roma 5, 12-19
Mga kapatid, ang kasalana’y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa ibinigay ang Kautusan, ngunit walang pinananagot sa kasalanan kung walang Kautusan. Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga tao na ang pagkakasala’y di tulad ng pagsuway ni Adan.
Si Adan ay anino ng isang darating. Ngunit magkaiba ang dalawang ito, sapagkat ang kagandahang-loob ng Diyos ay higit na di hamak kaysa pagsuway ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa marami ang pagsuway ni Adan, ngunit malaki ang kahigtan ng kagandahang-loob ng Diyos at ng kaloob na dumating sa napakarami sa pamamagitan ng isang tao – si Hesukristo. Ang kaloob ay higit na di hamak kaysa ibinunga ng pagsuway ni Adan. Nagdala ng hatol na kaparusahan ang kanyang pagsuway, ngunit ang kaloob na dumating sa kabila ng maraming pagsuway ay nagdulot ng kapatawaran. Sa pamamagitan ng isang tao – si Dan – naghari ang kamatayan dahil sa kanyang kasalanan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao – si Hesukristo – higit ang kinamtan ng mga kahabagan nang sagana at pinawalang-sala: sila’y maghahari sa buhay. Kay laki ng kahigtan ng pagpapalang ito kaysa kasawiang iyon.
Kaya’t kung paanong nagbunga ng kaparusahan sa lahat ang kasalanan ng isang tao, ang pagkamatuwid naman ng isang tao ay nagdulot ng kapatawaran at buhay sa lahat. Sapagkat sa pagsuway ng isang tao ay marami ang naging makasalanan, gayun din naman, marami ang pawawalang-sala sa pagsunod ng isang tao.
MABUTING BALITA Mateo 4, 1-11
Noong panahong iyon: si Hesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Doon, apatnapung araw at apatnapung gabi nag-ayuno si Hesus, at siya’y nagutom. Dumating ang manunukso at sinabi sa kaniya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mong tinapay ang mga batong ito.” Ngunit sumagot si Hesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.” Pagkatapos nito’y dinala siya ng diyablo sa taluktok ng templo sa Banal na Lungsod. “Kung ikaw ang Anak ng Diyos,” sabi sa kanya, “magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Ipagbibilin niya sa kanyang mga anghel na ingatan ka,’ ‘Aalalayan ka nila, upang hindi ka matisod sa bato.’” Sumagot si Hesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong subuhin ang Panginoon mong Diyos.’” Pagkatapos, dinala din siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok. Mula roo’y ipinatanaw sa kanya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kayamanan ng mga ito. At sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito, kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.” Sumagot si Hesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo; Siya lamang ang iyong paglilingkuran.’” At iniwan siya ng diyablo. Dumating ang mga anghel at naglingkod sa kanya.
Comments